Sayyaf nagre-recruit ng sasanaying menor de edad
Zaida delos Reyes-Palanca
People’s Taliba
TARGET ngayon ng bandidong Abu Sayyaf ang mga menor de edad sa pagre-recruit ng mga ito upang palakasin ang kanilang pu-wersa.
Ito ang nabatid kahapon batay sa intelligence report na nakarating sa tanggapan ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Chief Police Director Chief Supt. Joel Goltiao.
Batay sa ulat menor de edad mula 13 hanggang 16 anyos ang pinupuntirya ngayon ng bandido upang maging kapanalig.
Sinabi ni Goltiao na ito ay bunga narin ng pagbaba ng bilang nga mga bandido dahil na rin sa pagkalagas ng pwersa ng mga ito sa opensiba ng tropa ng militar.
Sa ngayon aniya ay aktibo ngayon sa recruitment ng mga kabataang lalaki ang bandidong grupo.
Idinagdag pa ni Goltiao na mismong ang tropa ng mi-litar na nakasagupa ng mga bandido ang nagpatunay na karamihan sa kanilang mga nakalaban ay mga menor de edad na bandido na gina-wang frontliners sa labanan.
Sinabi pa ni Goltiao na ang mga bandidong bantay ng dinukot na sina ABS-CBN television reporter na si Ces Drilon, cameraman Jimmy En-carnacion at Mindanao State University professor ay pawang mga bata o menor-de-edad.
Maging ang mga naghatid sa pinalayang si Angelo Valderama ay mga batang bandido rin.
Tinataya namang aabot sa 50 hanggang 60 armadong bandido mula sa grupo nina ASG Commander Parad at Jumdail ang sinasabing responsable sa pagdukot sa ABS-CBN news team at sa MSU professor.
Kaugnay nito, pinayuhan ng opisyal ang mga kabataan na huwag padadala sa mga panlilinlang ng mga bandido dahil tiyak na pagkasira ng kinabukasan ang dulot nito sa kanilang buhay.

Leave a Reply